Ang Konsepto ng Political Dynasties

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:
Naipaliliwanag ang konsepto ng political dynasties

Mahalagang naipaliliwanag ang konsepto ng political dynasties lalo na’t hindi makakaila na sa Pilipinas ay mayroong mga political dynasty. Ito ay tumutukoy sa mga pamilyang pulitiko na matagumpay na naipapasa ang hawak na puwesto sa pamahalaan sa kapamilya o kamag-anak.

Maraming mga kilalang pamilya ang masasabing nakapagtatag na ng kanilang politikal na pangingibabaw sa mga lalawigan at nagpapatuloy na nagsisikap na manatili ang kanilang panghahawak sa mga posisyon sa gobyerno, panglokal man o pangnasyonal. May mga positibo at negatibong bagay na nasasabi ang mga tao ukol rito.

Ang Kahulugan ng Political Dynasties

Ang political dynasty ay ang pananatili sa pamamahala ng isang pamilya sa isang estado sa paglipas ng mga taon. Ang terminong “dynasty” ay nagmula sa salitang Latin na “dynastia” at sa salitang Griyego na “dynastèia” na nangangahulugang kapangyarihan, dominyon, at pamumuno.

Ang dinastiya ay isang pamilya kung saan ang ilang mga miyembro ay nasa politika, partikular sa tinatawag na electoral politics. Ang mga miyembro ay maaaring “magkadugo” o magkaugnay dahil sa pag-aasawa. Madalas na maraming magkakapatid ang may posisyon sa gobyerno na naipapasa sa mga anak o kamag-anak sa mahabang panahon.

Sa Pilipinas, ang political families or dynasties ay tila mahirap buwagin at matagal nang paksa ng debate sa bansa. Nakasaad sa 1987 Constitution, sa Article II Section 26 nito, na , “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.” Ganunpaman, dahil wala pang batas o enabling law mula sa Kongreso na nagbabawal sa political dynasty, ang probisyong ito sa Konstitusyon ay hindi maipatupad.

Nagkaroon nuon ng mga panukalang batas ukol sa political dynasty, gaya ng House Bill 3587 na nagbabawal na kumandidato ang asawa o sinumang kamag-anak “within a second degree of consanguinity” ng isang kakandidato o re-electionist. Subalit ito ay hindi naipasa sa Kongreso bago ang Eleksyon 2016.

Maraming pamilyang Pilipino ang nakapamalagi sa pamahalaan sa maraming henerasyon, at ang iba ay humawak ng isang posisyon sa loob ng maraming taon. Ang mga bayan, lungsod, at lalawigan ay pangkaraniwang itinuturing na “teritoryo” o “balwarte” ng isa o ilang pamilya.

Sa ganitong mga lugar, ang mga miyembro ng pamilya ay madalas na may hawak sa maraming posisyon sa loob ng administrasyon. Ang isa ay maaaring alkalde, ang isa naman ay nagsisilbi sa konseho ng lungsod, at ang isa pa ay maaaring siyang kongresista sa kanilang distrito.

Kapag tapos na ang termino ng isang kasalukuyang nanunungkulan, ang isang kapamilya o kamag-anak ay inaalok na kumandidato para sa posisyon. Ang ganitong mga kandidato ay tumatakbo at nahahalal, pangunahin na dahil sa lakas ng pangalan ng kanilang pamilya.

Sa Pilipinas, may mga posisyong pampulitika o teritoryo na kinokontrol ng mga pamilyang politiko. Dahil dito, mailalarawan ito bilang oligarkiya—isang anyo ng istraktura ng kapangyarihan kung saan ang kapangyarihan ay namamalagi sa isang maliit na bilang ng mga tao. Ang mga taong ito ay maaaring kilala dahil sa pagiging royalty, o dahil sa kayamanan, edukasyon, kabuhayan, at pangrelihiyon o pangmilitar na kapangyarihan. 

Sa Pilipinas ay dapat din umanong uriin ang political family bilang “fat political dynasties” at “thin political dynasties.” Ang “fat political dynasties” ay yaong mga pamilya na ang maraming miyembro ay sabay-sabay na nasa mga posisyon sa gobyerno.

Ang “thin political dynasties” naman ay yaong mga pamilya na may isang miyembro na nasa posisyong politika at pinalitan ng kaniyang kapamilya.

Sinasabi ng ilan na ang “thin dynasties” ay katanggap-tanggap subalit ang “fat political dynasties” ay dapat umanong ipagbawal.

May mga nagsasabi na marapat na ipagbawal muna ang “fat political dynasties” sa Konstitusyon bago magkaroon ng anumang desisyon ukol sa paglipat sa pederalismo.

May tinatayang 250 pamilyang pampolitika sa buong bansa, hindi bababa sa isang political family sa bawat lalawigan, na nasa mga posisyon sa lahat ng antas ng burukrasya, ayon sa Center for People Empowerment in Governance, isang nonprofit na organisasyon.

Ayon pa rito, sa 265 na miyembro ng Kongreso, humigit-kumulang 160 ang kabilang sa political dynasties. Ang mga pamilyang ito rin umano ang mayayamang pamilya sa bansa.

Ituloy ang pagbasa sa: Ang Sanhi at Epekto ng Political Dynasties sa Pagpapanatili ng Malinis at Matatag na Pamahalaan

*Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin na nais mong hanapin (e.g. migrasyon, civic engagement, etc), i-search dito:

Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

For STUDENTS’ ASSIGNMENT:
Write your COMMENT here:
Ang Kahalagahan ng Pag-Aaral Ng Kontemporaryong Isyu

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap sa search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Sanhi at Epekto ng Political Dynasties sa Pagpapanatili ng Malinis at Matatag na Pamahalaan

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.

=====
To post comment, briefly watch this related short video:

To STUDENTS: Write your ASSIGNMENT here: Mga Komento ng MASISIPAG MAG-ARAL