Ang Konsepto ng Globalisasyon
© Jensen DG. Mañebog/ Marissa G. Eugenio (MyInfoBasket.com)
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Naipaliliwanag ang konsepto ng globalisasyon
Ang globalisasyon ay isang pagkalahatang terminong naglalarawan sa lumalagong modernong pagkakaugnay-ugnay ng mga bansa, tao, at pamilihan. Tumutukoy din ito sa proseso ng ugnayan at pagsasama ng mga kumpanya at mga pamahalaan sa buong mundo.
Ang globalisasyon ay isang pagsasama-sama na nagawa sa pamamagitan ng pag-unlad ng teknolohiya ng transportasyon at komunikasyon na humantong sa pagkabuo ng mga pandaigdigang network ng mga bansa at mga tao sa daigdig.
Ang Kahulugan ng Globalisasyon
Ang globalisasyon ay ang kaparaanan kung paano nagiging global o pangbuong mundo ang mga lokal o pampook o kaya ay pambansang mga gawi o paraan sa aspeto ng ekonomiya at kalakalan, teknolohiya, politika, at kalinangan o kultura. Ito ay pandaigdigang pagdepende ng mga tao at mga bansa sa isa’t isa.
Ang globalisasyon ay pandaigdigang integrasyon ng mga tao at ng iba’t-ibang bansa. Bilang proseso, ito ay pagpapalitan ng mga produkto, serbisyo, pananaw, ideya, kultura at iba pa ng mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ayon kay Roland Robertson na isa sa mga unang nagsagawa ng pag-aaral ukol sa globalisayon, ang globalisasyon ay pinabilis na tila “pagliit” ng daigdig at pagkilala rito bilang isa lamang entidad. Dahil sa globalisasyon, ang ikinatatangi, distinksiyon, at pagkakakilanlan ng ibat’-ibang kultura at tradisyon ay tila naglalaho na dahil sa matuling paglaganap ng mga ideya na lumalaganap at naaangkin ng mga tao sa daigdig.
Nakatulong nang malaki sa pag-iral ng globalisasyon bilang penomenon ang paglago ng teknolohiya, gaya ng mga makabagong kasangkapang pangkomunikasyon (gaya ng smart phones), pantransportasyon (gaya ng eroplano), computer at internet, at mga application ng mga ito.
Mayroong apat na pangunahing aspeto ang globalisasyon ayon sa International Monetary Fund (IMF): ang (a) kalakalan at mga transaksyon, (b) kapital at paggalaw ng pamumuhunan, (c) migrasyon at paggalaw ng mga tao, at (d) diseminasyon ng kaalaman.
Sa mga hindi sang-ayon sa globalisasyon, ito ay itinuturing nila na pananalakay ng mga kapitalistang bansa ng Kanluran na naghahanap umano ng pamilihan para sa kanilang mga surplus o sobrang nalikhang produkto. Diumano ay pinapapasok kunwari ng malalakas na bansa sa kanilang pamilihan ang mga produkto ng mahihinang bansa, subalit ito ay patibong diumano dahil hindi naman talaga kayang makipagkompetensiya sa kanila ng mahihinang ekonomiya. Sa kahulihulihan umano ay nilalamon lang at pinakikinabangan ng malalakas ang maliliit na ekonomiya.
Sinasabi pa ng iba na dahil sa globalisasyon, ang Pilipinas ay bukas sa eksploytasyon ng kapitalismong global. Ang teritoryo nito ay binubuksan umano ng ating pamahalaan sa mga empresang multinasyonal. Bukod dito, ang mga kabataang Pilpino umano ay nakalusong sa kulturang global na nagpapalabo sa mga tradisyong kanilang kinagisnan at sa kanilang identidad bilang mamamayan ng kanilang tinubuang lupa.
Para sa globalisasyon, ang kapangyarihang politikal ay kusang isinusuko umano ng ating gobyerno upang akitin ang mga dayong puhunan. Ang konklusyon ng iba, ibinabalik tayo ng globalisasyon sa yugto ng kolonyal na pagkasakop at ang kapitalismong globalisasyon umano ay bagong maskara lamang ng imperyalismo.
Iniulat naman ng International Monetary Fund (IMF) na sa panahon ng globalisasyon ay napalaki ng mga papaunlad at umuunlad na bansa ang kanilang pag-export ng mga kalakal at serbisyo. Sa ganitong paraaan, nakatutulong ang globalisasyon sa ekonomiya ng mga bansa—gaya sa paglikha ng mga trabaho at pagbuo ng mga bagong mekanismo at konsepto sa pangangalakal.
Copyright © Jensen DG. Mañebog/ Marissa G. Eugenio (MyInfoBasket.com)
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Pangkasaysayan, Pampulitikal, Pang-Ekonomiya, At Sosyo- Kultural Na Pinagmulan Ng Globalisasyon
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog
NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.