Ang Kaugnayan ng Pisyolohikal, Kognitibo, Sikolohikal, Ispiritwal at Panlipunang Pag-unlad tungo sa Pag-unawa ng Iniisip, Nadarama at Kinikilos

Mahalagang malinang ang buong katauhan ng isang indibidwal gaya ng mag-aaral. Ang iba’t ibang aspeto ng tinatawag na kabuuang pag-unlad ay ang kognitibo, pisyolohikal, sikolohikal, ispiritwal, at panlipunang pag-unlad.

Ang artikulong ito ay tumutugon din sa Kasanayang Pampagkatuto: Natatalakay ang kaugnayan ng pisyolohikal, kognitibo, sikolohikal, ispiritwal at panlipunang pag-unlad tungo sa pag-unawa ng kanyang iniisip, nadarama at kinikilos.

Ukol sa detalyadong diskusyon tungkol sa kahulugan (meaning and definition) ng adolescence, basahin ang: Adolescent Stage of Development: Understanding what is happening among teenagers

Pag-aralan natin ang mga aspeto ng pag-unlad sa buong katauhan ng isang tao:

Pisyolohikal at Pisikal na Pag-unlad at Pagbabago

Ang tinatawag na pisyolohikal na pag-unlad ay karaniwang tumutukoy sa pisikal na pag-unlad ng isang tao. Ang isang tao ay likas na nakakaranas ng iba’t ibang pagbabago sa kaniyang katawang pisikal sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga (adolescence).

Sa panahon o yugtong adolescence, nagiging mabilis ang iyong pagtangkad at ang paglaki ng iyong katawan. Nagkakaroon din ng paglago ng buhok at paglaki ng kalamnan sa ilang bahagi ng iyong katawan.

Sa yugtong ito ay tila pilit na inaabot ng iyong katawan ang iyong sukdulang taas. Nahuhubog din ito sa ganap na laki, hugis, at komposisyon ng iyong katawan.

Kaalinsabay na nagiging mas mababa ang iyong tinig, kung ikaw ay isang lalake. Tila nagkakahugis naman ang iyong katawan, kung ikaw ay isang babae.

Ang mga Pisyolohikal at Pisikal na Pag-unlad o pagbabago ay naghahanda sa mga katulad mo na magkaroon ng kakayahang pisikal para sa bayolohikal na reproduksiyon.

Huwag ka ring magtataka kung magkakaroon ka ng taghiyawat (pimples at acne) bilang adolescent. At dahil na rin sa iba’t ibang pagbabagong pisyolohikal, ikaw ay maaaring maging masyadong mapagmasid sa iyong sarili (self-conscious).

Ang mga katulad mong adolescent ay madalas din na nahihiya, sensitibo, at nakakadama ng pagiging hindi komportable. Samakatuwid, apektado ng pisyolohikal na pag-unlad ang sikolohikal at sosyal (panlipunang) aspeto ng isang tao.

Para magsilbing gabay sa mga nagbibinata/nagdadalaga (adolescent), makatutulong na basahin ang: Pagkilala sa Sarili: Mahalaga sa Pansariling Kaunlaran (Personal Development) at ang Pagbabahagi ng natatanging katangian, pag-uugali, at mga karanasan

Kognitibong Pag-unlad at Pagbabago

Ang Kognitibong Pag-unlad ay tungkol sa tserebral, mental, o intelektwal na pag-unlad ng isang tao.

Sa yugto ng pag-unlad na adolescence, ang utak ay patuloy na umuunlad. Ito ay nadaragdagan ng kapasidad na magkabisa o magmemorya at magsagawa ng mas kumplikadong mga proseso. Ang halimbawa ng prosesong mental ay ang pag-oorganisa ng mga impormasyon at pag-aalaala sa mga ito.

Sa panahon ng adolescence ay nagkakaroon ka ng malaking pagsulong sa mga kasanayan sa pag-iisip. Nakakayanan mo nang iproseso ang mga abstraktong kaisipan (abstract concepts) at mga ideyang panteorya.

Ang mga katulad mong nagbibinata at nagdadalaga ay nagkakaroon din ng kakayanang suriin nang lohikal at sistematiko ang mga problemang iyong nasasagupa.

Nabubuo kung ganun ang iyong tiwala sa sarili. Ito ay may epekto rin sa iyong panlipunang aspeto o sa iyong pakikisalamuha sa iba.

Ang paglago sa aspetong kognitibo ay nangyayari kasabay ng sosyal (panlipunan), emosyonal, at moral na pag-unlad. Tandaan lamang na sa yugtong ito, ang pangharap na umbok ng utak (frontal lobe) ng tao ay hindi pa ganap na buo. Ang frontal lobe ang nagbibigay-kakayahang kontrolin ang mga sekswal at emosyonal na impulses.

Kaya naman mayroon kang patuloy na pakikibaka sa pagsupil sa iyong mga impulse at urge. Ito ang isa sa mga dahilan kung kaya’t ang mga adolescents na gaya mo ay natuturingang mapupusok.

Samakatuwid, nangangailangan na ikaw bilang nagbibinata o nagdadalaga ay lalong maging maingat at mapagpigil sa iyong sarili. Hinggil ditto, makatutulong na basahin ang: Pagtanggap sa mga kalakasan at kahinaan (strengths and weaknesses): Mahalaga lalo na sa adolescents

Sikolohikal na Pag-unlad at Pagbabago

Kasama sa sikolohikal na pag-unlad ang mga pagbabago sa mga emosyon, damdamin, kalooban, at paraan ng pag-iisip ng mga indibidwal.

Sa yugtong pagbibinata o pagdadalaga, nagpapasimulang magkaroon ka ng matibay na mga paniniwala. Ganundin ng mga pagpapahalaga at mga layunin sa buhay.

Ito ay dahil ang mga nasa yugtong ito, gaya mo, ay dumaranas ng pagsusuri sa sarili. Ito ay humahantong sa pagtatakda ng pangmatagalang tunguhin o layunin, kalayaang emosyonal at panlipunan. Ito ay tungo rin sa tinatawag na kahustuhan o matyuridad (maturity).

Samakatuwid, malaki ang epekto ng sikolohikal na pag-unlad sa iba pang aspeto ng pagkatao. Nagbubunga ito ng pagbabago sa pagtingin at pakiramdam mo bilang adolescent ukol sa iyong sarili. Gayundin sa ibang mga tao, at sa iyong kapaligiran. 

Sa panimulang yugto ng pagbibinata at pagdadalaga, nakabubuo ka ng sariling-imahe (self-image) kaugnay ng mga pagbabago sa iyong katawan at pag-iisip. Nagkakaroon ka ng kamalayan at pagtanggap sa mga pisyolohikal at kognitibong pag-unlad na nagaganap sa iyo.

Sa kalagitnaang parte naman ng adolescence, nagiging mas malaya ka na lalo na sa paraan ng pag-iisip at nararamdaman. Sa maraming bagay ay hindi ka na nakadepende sa iyong mga magulang o tagapag-alaga.

Kaya naman hindi kataka-taka na mayroong mga salungatan sa pagitan ng ng iyong mga interes at pinahahalagahan, at ng inaasahan naman sa iyo ng iyong mga magulang o tagapag-alaga.

Sa yugtong ito rin, nagsisimula kang magpasya para sa iyong sarili. Halimbawa ay ukol sa iyong edukasyon (sa nais kuhaning kurso) at sa propesyonal o bokasyonal mong mga hangarin. Ikaw ay nagpapasimulang natututong maging reponsable at nag-iisip kung paano makatutulong sa komunidad.

Gayunpaman, ang mga kabataang gaya mo ay nagiging mahilig rin sa mga pakikipagsapalaran.  Nagsisimula kayong mag-eksperimento sa iba’t ibang mga bagay at mga gawi tulad ng pagsasagawa ng mga hindi pangkaraniwan at peligrosong mga gawain.

Kaya naman kailangan ang paggabay sa inyo ng mga mas nakatatanda. Dapat ding maliwanag sa inyo bilang tinedyer na dapat nyong kontrolin o disiplinahin ang iyong sarili. Ito ay upang hindi masira ang iyong kinabukasan.  

May pagbabago rin sa huling bahagi ng pagbibinata o pagdadalaga. Ang gaya mo ay magpapakita ng pag-aalala sa iba. Halimbawa ay sa pamamagitan ng pagbibigay at pagmamalasakit sa kanila. Ito ay taliwas sa mga makasarili mong kilos at kawalan ng kakayahang tiisin ang pagkaantala ng pagtanggap mo ng kasiyahan sa panahon ng iyong pagkabata.

Tila naman nagiging psychologically matured ka na sa pagtatapos ng huling bahagi ng adolescence. Tila nauunawaan mo na rin ang iyong gampanin sa iyong komunidad.

Nakapagtatatag ka rin ng makatotohanang mga layunin sa buhay, at nagpapasimula ka sa pagsisikap na makamit ang mga ito. (Ukol naman sa tamang pakikipagkapwa tao, basahin ang: Pakikipagkapwa tao: Paano magkakaroon lalo na ang mga kabataan?)

Samakatuwid, nagkakaroon ka ng mas matibay na sense of identity. (Ituloy rito ang pagbasa para sa iba pang aspeto ng pag-unlad o pagbabago)

Kaugnay na artikulo:

Kagandahang Asal Sa Kabataan: Isang Tula
Philippine Sangguniang Kabataan (SK): Abolition or Reformation?

Dyornal: Kahulugan at Halimbawa para sa mga Estudyante at Kabataan

© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

*Mahahanap ang mga kaugnay na paksa sa search engine sa itaas.

SA MGA GURO:
Subukang ipa-online reading assignment o e-learning activity ito sa mga mag-aaral, gamit halimbawa ang ganitong panuto:
“Tingnan sa search engine ng MyInfoBasket.com ang lekturang [buong title ng artikulo]. Basahin. I-share ito sa social media account* kasama ng iyong short summary  sa essay. I-screen shot ang iyong post at isumite sa guro.”

*Pwedeng i-share ang lekturang na ito sa mga social media tulad Telegram, Twitter, Instagrame-mail, at iba pa.