Ang Kalidad ng Edukasyon sa Bansang Pilipinas
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYANG PAMPAGKATUTO:
Nasusuri ang kalidad ng edukasyon sa bansa
Batay sa Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) noong 2013, 90.3% (9 sa 10 Pilipino) na may edad 10 hanggang 64 ang maituturing na functionally literate o marunong magbasa, magsulat, at magbilang. Maituturing itong mataas kumpara sa maraming bansa lalo na sa Asya.
Ganunpaman, noong 2018—taon kung kailan nagtapos ng high school ang unang batch ng kumuha ng senior high school (Grade 11 aat 12) sa ilalim ng Kto12 Program—ay ipinahayag ng World Bank na mababa ang kalidad ng pagkatuto ng mga batang Pilipino, gaya rin naman sa ilang bansa.
Noong Disyembre 2019, sa gradong ibinigay ng Programme for International Student Assessment (PISA), pang-79 ang Pilipinas sa pagbasa at pang-78 naman sa Math at Science. Makikita sa ulat ng PISA na may malaking kaugnayan ang reading scores ng mga estudyante sa budget spending sa edukasyon ng kanilang pamahalaan.
Nakita rin ng PISA na 31% lamang ng mga Pilipinong estudyante na may edad 15 ang may growth mindset o paniniwalang uunlad sila sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsusumikap. Ito ay nakakabahala sapagkat nangangahulugan ito ng mababang antas ng pananalig ng mga kabataang Pilipino sa magagawa ng edukasyon at pagsisikap sa kanilang kinabukasan.
Dahil sa K-12 Program, nadagdagan ang taon ng pag-aaral sa Pilipinas. Ganunpaman, hindi pa lubos na nasusukat ang epekto nito sa kalidad ng mga pumapasok sa kolehiyo.
Sa kabuuan, laging mataas ang enrollment rates sa bansa subalit mababa ang proficiency ng mga mag-aaral. Marami rin ang mga mag-aaral na bumabagsak, mababa ang grado, nag-uulit ng pag-aaral, o kaya’y tumitigil na lamang.
Maging sa mga nakapagtapos ng kolehiyo, hindi madali na makapasok sa trabaho. Sa panig ng ilang nagkapalad makahanap ng trabaho, ang kanilang uri ng trabaho ay hindi akma sa kursong kanilang tinapos. Ang mga ito ang pinagsisikapang matugunan ng pamahalaan. (© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)