Ang Kalagayan ng Paggawa (Labor) sa Pilipinas Bunga ng Globalisasyon
Editor’s note: Ang artikulong ito ukol sa mga epekto ng globalisasyon sa kalagayan ng paggawa sa Pilipinas ay mula sa lektura ni Prof. Jensen DG. Mañebog.
Isang aspeto at epekto ng globalisasyon ay ang malayang daloy ng kalakal, kapital, teknolohiya, at mga kasanayan sa pagitan ng mga bansa. Ang mga bansa, gaya ng Pilipinas, ay nagkaroon ng pagkakataong makinabang sa pamamagitan ng pamumuhunan sa ibang bansa, mga pandaigdigan at pangrehiyong kalakalan, at akses sa mga mabisang teknolohiya at kasanayan.
Ang globalisasyon ay nagpataas ng pangangailangan para sa eksportasyon (pagluluwas ng mga paninda at serbisyo) at nagpabuti sa pagkakataon sa trabaho. Kung gayon, malaki ang epekto nito sa larangan ng paggawa sa mga bansa, gaya ng Pilipinas, sapagkat mahalagang salik ito sa paglikha ng mas maraming hanap-buhay.
Ganunpaman, may mga hamon at suliranin din na dulot ang globalisasyon. May mga bansa halimbawa na hindi makasabay sa mga bagong proseso at pandaigdigang pamantayan.
Nagiging tila pabor din ang globalisasyon sa mga multinasyonal na kompanya at nagpapabagsak naman sa mga lokal na negosyo na hindi makatugon sa internasyonal na pamantayan (international standard). May mga lokal na produkto na natatalo sa mga produkto ng ibang bansa sa kalidad, presyo, at pamamaraan sa pagma-market. Ang pagbagsak ng mga lokal na negosyo ay natural na nagdudulot ng pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa ng mga ito.
Dahil na rin sa mga epekto ng globalisasyon, marami ang mas pinipili na lamang na mamasukan sa malalaking internasyonal na korporasyon sa halip na magtayo at magpaunlad ng sariling kabuhayan. Ang mga kumpanya ang nagtatakda ng kanilang pasahod, na karaniwang mababa sapagkat karaniwang batay lamang sa minimum wage.
Usapin din sa paggawa ang pagtatakda ng mga pandaigdigang samahan gaya ng WordTrade Organization (WTO) ng mga kakayahan at kasanayan sa paggawa na pasado sa global standard. Nakasaad sa kasunduan ng isang bansa at multi-national companies ang mga kasanayan na dapat mataglay ng isang manggagawa na kanilang tatanggapin.
Dahil sa pagpasok ng ating bansa sa mga kasunduan sa mga dayuhang kompanya at sa mga bilateral at multi-lateral agreement sa mga kapwa kasapi nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at World Trade Organization (WTO), binuksan ang ating pamilihan sa global na kalakalan. Dahil dito, nagkaroon ng mga programa ukol sa pag-aangkop sa mga kasanayan na lilinangin sa mga mag-aaral sa ating bansa.
Masasabi, kung gayon, na malaking salik ang globalisasyon sa ginawang pagbabago sa kurikulum ng edukasyon sa bansa at ang pagdaragdag ng dalawang taon sa basic education—ang Senior High School. Layon nito na sanayin ang mga Pilipinong mag-aaral sa mga napapanahong kasanayan upang maging globally competitive, batay na rin sa itinakda ng Philippine Qualifications Framework – ang Basic Education, Technological-Vocational Education, at Higher Education (DepED, 2012).
Ang ilan sa mga kasanayan na nilalayong malinang sa mga mag-aaral ay yaong may kinalaman sa media and technology skills, learning and innovation skills, communication skills, at life and career skills. Inihahanda rin ang mga mag-aaral sa makabagong workplace at mga salik ng produksiyon, gaya ng paggamit ng iba’t ibang gadget, computer/IT programs, complex machines, at iba pang makabagong kasangkapan sa paggawa.
Tunay nga, ang globalisasyon ay may mga positibo at negatibong epekto sa larangan ng paggawa. Ganunpaman, obligasyong moral ng mga key players ng globalisasyon (gaya ng pamahalaan at mga korporasyon) na gawin o panatilihing disente at marangal ang paggawa ng mga manggagawa sa gitna ng anomang pagbabagong dulot ng globalisasyon.
Apat na Haligi para sa Isang Disente at Marangal na Paggawa
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang pagpapaunlad ng antas ng kalagayan ng mga manggagawang Pilipino patungo sa isang disenteng pagggawa (decent work) ay mahalagang sangkap upang maituring na tunay na maundald ang pang-ekonomiyang kalagayan ng bansa.
Nakapaloob dito ang pagtitiyak na mayroong pantay at makawirang oportunidad ang bawat isa—anoman ang kasarian, etnisidad, pananamalataya, at iba pa—para sa isang disente at marangal na paggawa.
Naglista ang DOLE (2016) ng apat na haligi para sa isang disente at marangal na paggawa:
1. Employment Pillar
Nakapaloob dito ang paglikha ng mga sustenable o napapanatiling trabaho. Kasama rito ang pagkakaloob ng malaya at pantay na oportunidad sa paggawa. Kabilang din dito ang pagtitiyak na maayos ang dako ng paggawa (workplace) para sa mga manggawa.
2. Worker’s Rights Pillar
Nakatuon ito sa paggalang at pagbibigay proteksiyon sa mga karapatan ng mga manggagawa. Kabilang dito ang paglikha o pagrebisa (kung kinakailangan) ng mga batas ukol sa paggawa. Nakapaloob din dito ang pagpapalakas at pagsisiguro sa matapat na pagpapatupad ng mga batas at tuntunin para sa kapakanan ng karapatan ng mga manggagawa.
3. Social Protection Pillar Social
Ukol ito sa paglikha ng mga kompanya, pamahalaan, at iba pang institusyong may papel na ginagampanan sa paggawa ng mga pamamaraan o mekanismo para sa panlipunang proteksyon o seguridad ng mga manggagawa. Nakapaloob dito ang pagkakaloob ng katanggap tanggap na pasahod at makatwirang mga oportunidad. Ito ay may malaking kaugnayan din sa Worker’s Rights Pillar.
4. Social Dialogue Pillar
Ukol ito sa pagpapanatiling bukas ng mga pag-uusap o pagpupulong sa pagitan ng pamahalaan, mga manggagawa, at mga kompanya. Nakapaloob dito ang pagbuo ng mga collective bargaining unit at iba pang mekanismo para sa maayos na pag-uusap tungkol sa mga isyung may kinalaman sa paggawa.
Copyright © by Prof. Jensen DG. Mañebog