Ang Implikasyon Ng Unemployment Sa Pamumuhay At Sa Pag-Unlad Ng Ekonomiya Ng Bansa
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Natataya ang implikasyon ng unemployment sa pamumuhay at sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa
Mga Epekto Ng Unemployment
Naririto ang ilan sa mga implikasyon ng unemployment sa pamumuhay at sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa:
1. Mga Epekto ng Unmeployment sa Pamumuhay at Buhay ng Tao
Ang kawalan ng trabaho ay nagdudulot ng problemang pinansiyal at pagbaba o kawalan ng savings o ipon ng mga tao. Apektado kung ganun ang antas o kalidad ng buhay ng nawawalan ng trabaho at damay ang kaniyang pamilya.
Ang naipon na nakaukol sa pagreretiro (retirement fund) ay bigla ring nagagamit kaya posibleng maapektuhan ang magiging uri ng pamumuhay sa hinaharap.
May mga pag-aaral na nagpapakita na ang kawalan ng trabaho ay nagbubunga sa tao ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa, stress, depresyon, at alkoholismo, na kalaunan ay nagdudulot ng sakit, gaya ng sakit sa puso.
Sinasabing ang mga taong walang trabaho sa loob ng anim na buwan o mas matagal pa ay dalawang beses na malamang na magkaroon ng klinikal na depresyon o malubhang karamdaman na pagkabalisa.
Ang kawalan ng trabaho at income ay ugnay din sa kakulangan ng access sa serbisyong medikal at gamot, hindi magandang nutrisyon, at mga gawi na lalong nakasisira ng kalusugan gaya ng paninigarilyo, paglalasing, pagdudroga, at pagsusugal. At kapag may sakit na, mas mahirap nang makabalik sa isang workforce.
May relasyon ang kawalan ng trabaho sa pagdami ng krimen. Bagama’t mali, may mga kumakapit sa patalim o pumapatol sa delikadong alok na easy money (gaya ng mga scam)para kumita at mabuhay.
Bumababa rin ang bolunterismo o ang pagtulong o pagbibigay ng pabor sa iba. Kung ang tao ay walang trabaho at pera, paano nga naman siya makatutulong pa sa iba.
2. Mga Epekto ng Unmeployment sa Ekonomiya ng Bansa
Kapag marami ang walang trabaho, kaunti ang nakokolekta ng gobyerno na mga buwis (income tax, tax revenues, at iba pa). Kapag kaunti ang mga paggugol ng mga tao dahil sa walang trabaho, kaunti ang nakokolektang buwis, kaya apektado ang pananalapi ng pamahalaan.
Lumalaki ang suplay ng manpower kapag mataas ang unemployment rate sapagkat handang mag-alok ang mga tao ng kanilang serbisyo kahit sa mababang sahod. Bababa ang gastos sa pagpapasahod ng mga kumpanaya. Ganunpaman, maaaring makompromiso ang kalidad ng nalilikhang produkto o serbisyo dahil sa liit ng sahod ng manggagawa.
Kapag malaganap ang kawalan ng trabaho, tumataas ang pangangailangan sa proteksiyonismo o paghihigpit sa internasyonal na kalakalan at imigrasyon. At kapag ang apektadong bansa ay gumanti, masisira ang kalakalan at makakaapekto ito sa ekonomiya at kabuhayan ng marami.
Hirap ang mga kumpanya sa paggawa ng maraming mga serbisyo at kalakal kapag kakaunti ang naghahanapbuhay. Bunsod nito, bababa ang gross domestic product (GDP) ng bansa at magbubunga ng mababang economic growth.
Dahil sa unemployment, nadaragdagan pa ang gugol ng pamahalaan tulad ng para sa ayuda sa pagkain, unemployment benefits, welfare payments, at tulong pinansiyal sa pagpapagamot ng mga unemployed.
*Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin na nais mong hanapin (e.g. migrasyon, civic engagement, etc), i-search dito:
Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Mga Mungkahi Upang Malutas Ang Suliranin Ng Unemployment
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
Read Also:
The Interesting Tales of the Jose Rizal Family by Jensen DG. Mañebog
NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.