Ang Iba’tibang Istratehiya at Polisiya na May Kaugnayan sa Pagtamo ng Sustainable Development na Ipinatutupad sa Loob at Labas ng Bansa

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Napaghahambing ang iba’tibang istratehiya at polisiya na may kaugnayan sa pagtamo ng sustaibale development na ipinatutupad sa loob at labas ng bansa
Nakasusulat ng isang case study na nakatuon sa pagtamo ng sustainable development ng kinabibilangang pamayanan

Mga Istratehiya at Polisiya

Mahalagang matukoy at maipaghambing ang iba’t ibang istratehiya at polisiya na may kaugnayan sa pagtamo ng sustainable development na ipinatutupad sa loob at labas ng Pilipinas. Narito ang ilang halimbawa.

1. National Environment Policy Act (NEPA)

Ang National Environment Policy Act (NEPA) ay batas pangkapaligiran ng Estados Unidos na pinagtibay noong Enero 1, 1970. Tinatawag din itong “Environmental Magna Carta” ng Estados Unidos dahil nakabalangkas dito ang mga pangunahing batas ng bansa ukol sa pangangalaga sa kalikasan.

2. Stockholm Conference

Noong 1972, pinasimunuan ng United Nations ang United Nations Conference on the Human Environment sa Stockholm, Sweden. Ang mga kinatawan mula sa 113 na bansa at higit sa 400 na NGOs ang dumalo.

Ang kumperensyang ito, na madalas na tinatawag na Stockholm Conference, ay ang unang pang-internasyonal na kumperensya na naglalayong direktang matugunan ang mga problema sa kapaligiran.

Ipinahayag ng Stockholm Conference na ang pangangalaga sa kapaligiran ay isa sa mga pangunahing isyung panlipunan at pang-ekonomiya na kinakaharap ng mundo.

3. World Commission of Environment and Development (WCED)

Noong 1983, nilikha ng United Nations General Assembly ang World Commission of Environment and Development (WCED). Ayon sa komisyong ito, dapat matugunan ng kaunlaran ang pangangailangan ng mga tao sa kasalukuyan at ng susunod pang salinlahi.

Ang konsepto ng sustainable development ay sinasabing pormal na nagsimula sa WCED, na tinatawag ding Brundtland Commission.

4. Agenda 21

Sa Conference on the Environment o Earth Summit, sa Rio de Janeiro, Brazil noong 1992, binuo at pinagtibay ang Agenda 21. Isa sa mga layunin ng programang ito ay ang isama ang mga isyung pangkalikasan sa mga pangunahing patakarang pangkaunlaran. Isinasa-alang-alang nito ang mga epekto ng mga pang-ekonomiyang aktibidad sa kalikasan, maging ang epekto ng pagkaubos ng likas na yaman na dulot ng pang-ekonomiyang produksyon. 

Kabilang sa mga prinsipyo nito ay ang pagtutulungan ng mga estado sa pagpapanumbalik sa kalusugan at integridad ng sistemang ekolohikal ng mundo; pagbawas ng mga estado ng mga hindi likas-kayang paraan ng produksyon at pagkonsumo; paggamit ng istandard ng isang bansa na hindi dapat magbunga ng di-kailangang pinsala sa ibang bansa; at pagbuo ng mga pambansang batas hinggil sa liyabilidad at kompensasyon para sa mga biktima ng polusyon at iba pang pagsira sa kapaligiran.

Kasama rin sa mga prinsipyo ang pagbabawal sa paglilipat sa ibang bansa ng mga materyales na nagbubunga ng pagsalanta sa kapaligiran o pinsala sa kalusugan ng tao; pagbibigay ngbabala sa isa’t isa ukol sa mga natural na kalamidad na malamang na makapinsala sa kanila; pagggalang sa mga internasyunal na batas na nangangalaga sa kapaligiran sa panahon ng digmaan; at mapayapang paglutas ng mga estado sa kanilang mga alitan kaugnay ng kapaligiran.

5. Division for Sustainable Development (DSD)

Noong 2005, nagkaroon ng United Nations Division for Sustainable Development (DSD). Ipinahayag nito na makatwirang lumikha ang lahat ng nasyon ng mga programa at polisiya ukol sa likas-kayang kaunlaran.

Ang DSD ay nangunguna sa pagtaguyod at pag-uugnay sa pagpapatupad ng sustainable development agenda ng United Nations. Ginagabayan nito ang mga estado sa pagtupad sa kanilang pangako ukol sa sustainable development. Itinataguyod nito ang pagsasama at pagkakaisa ng mga patakaran ng mga estado ukol sa likas-kayang kaunlaran at ang implementasyon ng mga ito sa lipunan, ekonomiya, at kapaligiran.

6. Philippine Agenda 21 (PA 21)

Ang katugma ng Agenda 21 sa Pilipinas ay ang Philippine Agenda 21 (PA 21) na umiral sa bisa ng Memorandum Order No. 399 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Setyembre 26, 1996. Ito ay isang plano ukol sa sustainable development at kumilala sa tungkulin ng Philippine Council for Sustainable Development (PCSD) at iba pang kaugnay na sector.

Bumabalangkas ang PA 21 ng landas na nakatuon sa kapakanan ng mga tao na isinasaalang-alang ang kalagayan ng ecosystem, lifescapes, at landscapes. Kinikilala rin nito ang mga gampanin ng  mga samahang pang-ekonomiya, kultura, gobyerno, ekonomiya, at foreign relations.

Itinataguyod ng Philippine Agenda 21 ang alternatibong pamamaraan sa kaunlaran. Layon nitong isakatuparan ang sustainability sa pamamagitan, halimbawa, ng integrated island development approaches na angkop sa Pilipinas bilang mapulong bansa, at pagpapalakas ng mga gampanin at relasyon ng mga stakeholders (gobyerno, civil society, labor secotor, at negosyo).

7. Philippine Strategy for Sustainable Development (PSSD)

Noong pang 1989, ipinatupad na sa bansa ang ang framework policy na Philippine Strategy for Sustainable Development (PSSD). Sa polisiyang ito, mariing isinasa-alang-alang ang mga isyung pangkalikasan, gaya ng konserbasyon ng biodiversity at rehabilitasyon ng mga ecosystem, sa pagbuo ng mga pasyang pang-ekonomiya, gaya ng pagtuturing ng presyo sa mga likas na yaman.

Itinataguyod din ng PSSD ang paglilimita ng pagdami ng bilang ng tao, pagpapaunlad sa kakayahan ng mga mamamayan, pagsusulong ng kaunlaran sa mga rural na dako, pagkakaroon ng sapat na edukasyong pangkapaligiran, pagsusulong ng mga di-kalakihang negosyo, at pagtuturo ng likas-kayang kasanayang pang-agrikultura at panggugubat.

8. Philippine Poverty-Environment Initiative (PPEI)

Kinikilala ng Philippine Poverty-Environment Initiative (PPEI) ang kaugnayan ng kahirapan at integridad ng kapaligiran. Kapag inabuso ng mga tao ang mga yaman sa kalikasan sa layuning maibsan ang kanilang kahirapan,  ito ay lalong magpapalubha ng kahirapan pagdating ng araw.

Pinagtutugma ng PPEI ang mga alalahaning pangkapaligiran at ang paglutas sa kahirapan. Pakay nito na magkaroon ng likas-kayang kaunlaran sa pamamagitan ng maayos na pamamahala sa mga likas na yaman ng Pilipinas.

Ito ay programa upang ang likas na yaman ay makatwirang maipamahagi sa mga komunidad at muli namang maipuhunan para mapanatili ang pangkalikasang kapital. Kaugnay nito, pinalimitahan nito sa large scale mining ang epekto nito sa kalikasan at inatasan ito na maglaan para sa paglutas sa kahirapan. Ipinaayos din ng PPEI ang regulasyon ukol sa small scale mining … ituloy ang pagbasa

PROYEKTO

Sumulat ng isang case study na nakatuon sa pagtamo ng sustainable development ng kinabibilangang pamayanan. Sumangguni sa guro sa gagamiting paksa at mga hakbang. (Sangguniin: Halimbawa ng paggawa ng case study)

Kaugnay: Nuclear Power as Philippines’ Main Source of Electric Energy: Better or Danger?

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

ALSO CHECK OUT:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ano ang Migrasyon?

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

TALAKAYAN

1. Paano nakakaapekto ang gawain ng mga kabataan sa pagbabagong pangkapaligiran? Magbigay ng isang konkretong halimbawa at ipaliwanag.

2. Ano ang sustainable development? Ipaliwanag ang konseptong ito.

3. Ipaliwanag ang kaugnayan ng mga gawain at desisyon ng tao sa pagbabagong pangkapaligiran. Magbigay ng mga halimbawa.

4. Talakayin isa-isa ang mga kasalukuyang hamon sa pagtamo ng sustainable development (hal.: consumerism, energy sustainability, poverty, at health inequalities).

5. Paghambingin ang iba’t ibang istratehiya at polisiya na may kaugnayan sa pagtamo ng sustaibale development na ipinatutupad sa loob at labas ng bansa.

TAKDANG-ARALIN PARA SA MAG-AARAL

E-Learning Assignment: Paghahanda sa susunod na aralin

a. Mag-online sa www.AlaminNatin.com. Sa pamamagitan ng search engine nito, hanapin ang blog na “Ilang Dahilan ng Migrasyon sa Loob at Labas ng Pilipinas.”

b. Basahin ang lektura.

c. I-share ang artikulo sa iyong social media account kasama ng iyong sagot sa tanong na: Alin ang pangunahin sa tinalakay na 10 dahilan ng migrasyon sa loob at labas ng bansa? Depensahan ang itong sagot. Gumamit ng #Migrasyon #[BansangGustoMongMarating]

e. Mag-imbita ng tatlong kaibigan (nasa labas ng Pilipinas) na maglalagay ng makabuluhang komento sa iyong post.

f. I-screen shot ang inyong naka-post na conversation thread, i-print, at ipasa sa iyong guro.

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.

=====
To post comment, briefly watch this related short video: