Ang Iba’t Ibang Uri Ng Kalamidad Na Nararanasan Sa Komunidad At Sa Bansa

© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
1. Naipaliliwanag ang iba’t ibang uri ng kalamidad na nararanasan sa komunidad at sa bansa

Mahalagang naipaliliwanag ng isang indibidwal ang iba’t ibang uri ng kalamidad na nararanasan sa kaniyang komunidad at bansa. Kaugnay nito ang pagkakaroon ng kabatiran sa mga paraan kung paano makaiiwas, makapaghahanda, at makapag-iingat sa mga suliraning pangkapaligiran—mga bagay na nilalayon ng Disaster Risk Mitigation (o Disaster Risk Reduction).

Nasusukat ang kalubhaan ng isang sakuna sa laki ng epekto nito sa lipunan at kapaligiran. Pakay ng Disaster Risk Mitigation na mapigilan o mabawasan man lang ang pagkakaroon ng pinsala sa mga tao ng mga sakuna, mga likas na panganib, o mga kalamidad gaya ng pagputok ng bulkan, bagyo, baha, landslide, at lindol.

Itinataguyod ng ng Disaster Risk Mitigation ang mga gawaing may kaugnayan sa wastong paghahanda at pag-iwas sa mga malalalang idudulot ng mga kalamidad. Sa madaling salita, ito ay para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Kalamidad Na Nararanasan Sa Komunidad At Sa Bansa

Ang mga hazard at kalamidad ay nagbubunga ng pagkasira ng buhay, pag-aari, at kabuhayan ng mga tao. Nakakaapekto ang mga ito sa mga pang-ekonomiya at panglipunang aktibidad sa pamayanan. Ito ay maaring natural na pangyayari o kagagawan ng tao na posibleng humantong sa disaster.

Ayon sa alagad.com.ph, ang ‘hazard ‘ ay pwedeng ikategorya sa tatlong uri: (a) nag-iisa (tulad ng sunog); (b) magkasunod o bunga ng isa pang uri ng hazard (gaya ng bagyo at landslide, lindol at tsunami, lindol at landslide, o pagputok ng buklan at lindol); at (c) magkasama o kumbinasyon ( bagyo, landslide, at baha).

Mga halimbawa ng kalamidad

Ang mga sumusunod ay ilang uri ng kalamidad (hango sa isang artikulo sa academia.edu.):

1. Bagyo

Ang bagyo (higanteng buhawi), na tinatawag ding tropical storm, typhoon, o cyclone ay isang matindi at malakas na hangin na madalas ay may kaakibat na malakas at halos walang humpay na pag-ulan. Sinasabing ang sunud-sunod na malalakas na bagyo sa panahon natin ay dulot ng pagbabago sa klima o climate change.

Ang bagyo ay mayroong mata o eye na isang pabilog na lugar kung saan kalmado ang panahon. Nasa paligid nito ang tinatawag na eyewall kung saan naroon at nagaganap ang masungit na panahon at malalakas na hangin.

Sa panahon ng mga bagyo, ang institusyon ng gobyerno na Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay nagpapalabas ng mga “Public Storm Warning Signal” (PSWS) sa publiko.

Ang PSWS ay mga paalala o babalang inilalabas upang magkaroon ng impormasyon ang publiko tungkol sa bagyo bago pa man ito dumating. Inilalarawan ng mga babala ang inaasahang lakas ng isang bagyo, ang kasalukuyang lokasyon nito, at ang mga dadaanang lugar.

Nakatala sa ibaba ang mga uri ng PSW Signal Number mula sa PAGASA at ang kaukulang deskripsiyon ng mga ito:

PSW Signal NumberDescription (Paglalarawan)
1Ang hangin ay may lakas na 30-60 kph. Sa loob ng 36 na oras ay aasahan ang pagdating ng bagyo.
2Ang hangin ay may lakas na 61-120 kph. Sa loob ng 24 na oras ay aasahan ang pagdating ng bagyo.
3Ang hangin ay may lakas na 121-170 kph. Sa loob ng 18 na oras ay aasahan ang pagdating ng bagyo.
4Ang hangin ay may lakas na 171-220 kph. Sa loob ng 12 na oras ay aasahan ang pagdating ng bagyo.
5Ang hangin ay may lakas na higit pa sa 220 kph. Sa loob ng 12 na oras ay aasahan ang pagdating ng bagyo.

Sa kasaysayan nang Pilipinas, ang Super Bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013 na nagtala ng PSW Signal Number 5 ay isa sa mga hindi malilimutan dahil sa dulot nito na malawakang pagkasira sa buong Bisayas, kasama na ang ilang lalawigan sa Luzon.

2. Storm surge at storm tide

Kapag naging abnormal ang pagtaas ng tubig dagat dulot ng low pressure weather system tulad ng cyclones (tropical man o extratropical), nagaganap ang tinatawag na storm surge o dalúyong-bagyo. Ang halimbawa nito ay ang storm surge na resulta ng malakas na bagyong Yolanda.

Sinasabing ang storm surge na ito, hindi ang mismong bagyo, ang nagdulot ng malaking pinsala at nagbunga ng pagkamatay ng marami sa Tacloban noong Nobyembre 2013.

Ang storm tide naman ay ang pagtaas ng lebel ng tubig sa dagat dahil sa pinagsamang storm surge at astronomical tide. Ang astronomical tide ay pagbabago sa lebel ng tubig dagat bunga ng gravitational pull ng araw at buwan. Ang storm surge at storm tide ay kapwa makapagdudulot ng matinding pagbaha sa mga babaybayin at kalapit na lugar.

Ang pagkatunaw ang mga yelo sa dagat at mga glasyar o niebe sa lupa (land-based glaciers) dahil sa pagbabago sa klima at global warming ay nagdudulot din ng mabilis na pagtaas ng lebel ng dagat.

3. Baha

Kapag umuulan nang malakas, lalo na at ito ay nagtagal, madalas ay nagkakaroon ng baha. Sa Pilipinas, madalas itong nangyayari sa maraming lugar kahit bahagya lamang umulan. Ang baha o pagbaha ay ang pag-apaw ng tubig sa lupa bunga halimbawa ng pagtaas ng tubig sa mga ilog, sapa, lawa, o karagatan.

Ang malalakas na buhos ng ulan (thunderstorm) ay nagdudulot ng pagbaha. Ang bahang dala ng Bagyong Ondoy noong Setyembre 2009 ay nagpalubog sa Kamaynilaan at ilang bahagi ng Luzon. Matinding naapektuhan nito ang mga lalawigan ng Rizal, at ang Marikina at Pasig sa Kalakhang Maynila.

4. Flashfloods

Ang malakas na pag-ulan ay maaaring magbunga kapwa ng baha at flashflood. Kung ang baha o flood ay pag-apaw ng tubig, ang flashfloods naman ay ang mabilis na ragasa ng tubig na karaniwang may kasamang ibang mga bagay tulad ng putik, banlik, kahoy, at bato. Nangyayari ito sa mga lugar na mababa o tinatawag na low lying areas tulad ng mga lawa, ‘basin’ at ilog.

5. Landslide

Ang landslide ay ang pagguho ng lupa o putik na may malalaking bato. Karaniwan itong nagaganap sa mga bundok o burol.  

Nagkakaroon ng landslide kapag matitindi at walang tigil ang pag-ulan, may lindol, at kapag pumutok ang bulkan. Mabilis itong mangyari at karaniwan ay walang babala kaya dapat itong paghandaan o pag-ingatan, lalo na sa mga dako na peligroso o prone sa ganitong kalamidad.

Ang mga landslide ay maraming beses ng nangyari sa Pilipinas bilang epekto ng mga bagyo at matagal na pag-ulan. Noong Nobyembre 1991, mahigit limang libong tao ang namatay sa Ormoc, Leyte matapos matabunan ng landslide bunga ng matagal na pag-ulan na dala ng bagyong Uring.

Kabuoang 59 ang nasawi sa landslide nang gumuho ang Cherry Hills Subdivision sa Antipolo, Rizal noong Agosto 1999 bunga ng bagyong si Olga.

Bunga ng ilang araw na pag-ulan, 1,400 ang namatay sa landslide sa Infanta, Real at General Nakar, Quezon noong Nobyembre 2004. Kabuoang 1,126 ang namatay nang gumuho ang isang bundok sa St. Bernard, Guinsaugon, Southern Leyte matapos ang 10 araw na pag-ulan noong Pebrero 2006. Mahigit 400 ang namatay sa landslide sa Cagayan De Oro bunga ng bagyong Sendong noong Disyembre 2011.

6. Lindol

Ayon sa ready.gov, ang lindol ay “isang biglaan, at mabilis na pag-uga ng lupa, na dulot ng pagbibiyak at pagbabago ng mga batong nasa ilalim ng lupa kapag pinakakawalan nito ang puwersang naiipon sa mahabang panahon.”

Ito ay bunga rin ng pagbabago ng posisyon ng mga bunton ng bato na sa ilalim ng lupa. Ang Pilipinas ay prone sa paglindol sapagkat ito ay nasa Pacific Ring of Fire (o Pacific Rim), kung saan ay maraming bulkan at nagaganap ang may 90% ng mga paglindol sa mundo.

Ito ay isang natural na kalamidad na lubhang nakapagdudulot ng takot sa mga tao. Di biro ang maiiwang pinsala at malubhang epekto nito sa mga tao at sa kalikasan kapag ito ay naganap. Ang malakas na lindol ay maaaring magbunga ng tsunami, pagbaha, at landslide. Maaaring magpabagsak ito ng mga gusali, sumira sa mga poste at kawad ng kuryente, at magbunga ng sunog.

Ang seismograph (seismograp) ang instrumentong ginagamit upang itala at sukatin ang pagkilos ng lupa sa panahon ng isang lindol. Ang paglindol ay may dalawang dimensiyon: ang (a) katindihan (intensity) at (b) kalakasan (magnitude) nito.

Ang magnitude at intensity ay sumusukat ng iba’t ibang katangian ng mga lindol. Sinusukat ng magnitude ang enerhiya na inilabas sa pinagmulan ng lindol. Natutukoy ang magnitude mula sa mga sukat sa mga seismograp. Sinusukat naman ng intensity ang lakas ng pagyanig na nalikha ng lindol sa isang tiyak na lokasyon. Natutukoy ang intensity mula sa mga epekto nito sa mga tao, mga istrukturang gawa ng tao, at natural na kapaligiran.

Noong Hulyo 16, 1990, nagkaroon ng 7.8 magnitude na lindol sa halos buong Luzon na nagpaguho sa Hyatt Terraces, isang hotel sa Baguio City. Mahigit 1,000 ang tinatayang nasawi sa nabanggit na lindol, may 3,000 ang nasugatan, at mahigit 300 ang hindi na nakita.

Niyanig ang Negros Oriental at mga karatig lalawigan ng magnitude 6.9 na lindol noong Pebrero 6, 2012, na kumitil sa higit 50 katao. Siyam na tao ang namatay sa Porac at Lubao, Pampanga sa magnitude 6.1 na lindol sa ilang bahagi ng Luzon noong Abril 22, 2019. Pinabagsak nito ang Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga.

7. Buhawi

Ang buhawi ay isang marahas, mapanganib, at mapangwasak na pag-ikot ng kolumna ng hangin na sumasayad sa lupa. Tinatawag rin itong ipu-ipo, alimpuyo, o tornado at ito ay nagiging hugis funnel o imbudo. Karaniwan itong nalilikha kapag may thunderstorm.

Buhawi ang tawag kapag ito ay nabuo sa ibabaw ng lupa at tinatawag naman itong ipu-ipo kapag sa ibabaw ng tubig nalikha. Ang buhawi ay itinuturing na may pinakagrabeng pinsala. Karakaraka ang paglitaw nito at walang babala.

Noong hapon ng Hulyo 29, 2019, nasira ang isang paaralan sa Magalang, Pampanga matapos daanan ng isang buhawi. Dala nito ang kidlat na malalakas at malakas na bugso ng hangin na nagpalipad sa bubong at kisame ng isang gusali at sumira rin sa ilang bahay.

8. Tsunami

Ang tsunami (o seismic sea wave) ay serye ng malalaking alon sa karagatan patungo sa dalampasigan o kalupaan. Ito ay kumikilos nang napakabilis at mapaminsalang humamhampas sa lupa dala ang matataas na mga alon.

Nagkakaroon ng tsunami kapag may malaking pagkilos ng tubig, dulot halimbawa ng paglindol, pagsabog ng bulkan, pagguho ng malaking tipak ng lupa o yelo sa dagat, pagtama ng bulalakaw sa karagatan, at pagsabog sa dagat (gaya ng nuclear or atomic bomb testing) … ituloy ang pagbasa

*Kung may nais kang hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu (hal. climate change; political dynasty, etc), i-search dito:

© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/) (bandang itaas):
Kaugnayan ng Gawain at Desisyon ng Tao sa Pagkakaroon ng Kalamidad

Basahin: Mga Paghahanda sa Harap ng Kalamidad

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.