Ang Iba’t Ibang Papel Ng Bawat Indibidwal Sa Lipunan At Kung Paano Nila Naiimpluwensiyahan Ang Mga Tao Batay Sa Kanilang Pamumuno o Pagsunod
Kasanayang Pampagkatuto:
Naitatangi ang iba’t ibang papel ng bawat indibidwal sa lipunan at kung paano nila naiimpluwensiyahan ang mga tao batay sa kanilang pamumuno o pagsunod.
Ang Iba’t Ibang Papel ng Bawat Indibidwal sa Lipunan
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga papel at tungkulin na taglay ng ilang mga miyembro ng lipunan mula sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog.
Kaugnay ng mga ito ang ukol sa kung paano nila naiimpluwensiyahan ang mga tao batay sa kanilang pamumuno o pagsunod.
1. Mga Pinunong Pampulitika
Sa maraming demokratikong bansa gaya ng Pilipinas, mayroong tatlong sangay ng pamahalaan: ang (a) lehislatibo, (b) ehekutibo, at (c) hudikatura. Ang mga pinunong pampulitika sa lehislaturang sangay ng gobyerno ang lumilikha ng mga batas o ordenansa.
Ang mga nasa ehekutibo naman ang nagpapatupad ng mga batas, samantalang ang mga nasa hudikatura ang nagpapaliwanag ng mga batas.
Sa ehekutibong sangay, ang pangulo ng bansa ang pinakamataas na pinunong pampulitika. Gumaganap din siya bilang commander-in-chief, pinuno ng estado, at pangunahing diplomat.
Siya ang responsable para sa kapakanan ng buong bansa at sa pagtiyak na ang lahat ng mga batas ay maayos at matapat na naipapatupad at nasusunod.
Kabilang sa mga pinunong pampulitika ang mga konsehal at ang punong bayan o siyudad (mayor), at maging ang kapitan at mga kagawad ng barangay. Ang mga pulis naman ay binibigyan ng batas ng karapatan na ipatupad ang batas ng bansa.
Ang pamumuno ng mga lider pampulitika, maging ng mga nasa pulisya at kaugnay na ahensiya, ay nakakaimpluwensya sa mga tao na igalang at sumunod sa mga nilikha at umiiral na batas. Naiimpluwensiyahan nila ang mga tao na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ng komunidad.
2. Mga guro
Ang mga guro ay nagtuturo o nagsasalin ng mga kaalaman at kapaki-pakinabang na impormasyon. Gumaganap sila bilang tagapagturo, lider, tagapayo, at tagapagpasimula ng pagbabago.
May malaking impluwensya ang mga guro sa lipunan, lalo na sa mga mag-aaral.
Sila ay inaasahang magiging mga role model sa moralidad, kabaitan, at pagiging mabubuting mamamayan ng isang bansa.
3. Mga Lider at mga Miyembro ng Relihiyon
Pinamumunuan ng mga lider ng relihiyon ang kani-kanilang mga miyembro o tagasunod sa pagsasagawa ng mga ritwal at mga seremonya sa kani-kanilang pangkating pangrelihiyon. Pinananatili nila ang mga tradisyon ng kanilang pananampalataya, nagsisilbing guro at pinunong pangmoral, at nagsisilbing espirituwal na gabay.
Ang mga lider ng relihiyon ay maaaring maging napakamaimpluwensiya sa buhay ng kanilang mga miyembro. Sila ay karaniwang itinuturing na kinatawan ng Diyos at sa gayon ay kadalasang nakatatanggap ng mataas na paggalang, pagpipitagan, at pagsunod mula sa mga naniniwala sa kanila.
Ang mga miyembro ng relihiyon ay inaasahang isasabuhay ang kanilang mga aral at simulain at ipapalaganap ang kanilang pananampalataya sa pangunguna ng kanilang mga lider.
Inaasahan na sila ay magpapasakop at susunod sa mga lider ng kanilang relihiyon at maninindigan sa mga doktrina ng kanilang relihiyon.
Mahalaga ang kanilang pagiging tagasunod, lalo na sa mga disiplina at kagandahang-asal na ipinatutupad ng relihiyon, dahil maaaring magdulot ito ng mga pagbabago hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging sa lipunan.
4. Mga Magulang at mga Kabataan
Mahalagang papel na ginagampanan ng mga magulang ang subaybayan at gabayan ang kani-kaniyang mga anak lalo na kung ang mga ito ay menor de edad pa lamang.
Pananagutan nilang pagkalooban ng pangunahing pangangailangan, papag-aralin, turuan ng moral, kagandahang-asal, at pananampalataya ang mga anak.
Ang mga anak o mga kabataan naman ay may tungkuling panlipunan na lumaking malusog, responsable, at produktibong mga indibidwal.
Dapat silang magsilbing huwaran sa mga kapwa nila bata, mga kapatid, at mga kamag-aral.
Ang Pamumuno at Pagiging Tagasunod ng mga Tinedyer
Pangkaraniwan na na ang mga nagbibinata/nagdadalaga ay bumubuo ng mga relasyong lider-tagasunod sa kanilang mga kapantay o mga ka-edad.
Ang pagbibinata/ pagdadalaga ay ang panahon kung kailan sinisimulan ng mga kabataan ang pagsunod sa iba’t ibang mga pinuno na kanilang kaedad.
Sa yugto o panahon ng pagbibinata/pagdadalaga, ang mga itinuturing na lider na kaedad ay may malaking impluwensya sa mga saloobin, mga pinahahalagahan, at pag-uugali ng kanilang pinangungunahan.
Ang impluwensyang ito ay maaaring makabuti o makasama depende sa pagpapasya ng bawat isa.
Samakatuwid, nagsisilbing hamon sa mga lider ng kabataan— lider man sila ng simpleng barkadahan, ng Sangguniang Kabataan, o ng organisasyon sa paaralan —ang magpakita ng mabuting halimbawa sa kanilang nasasakupan.
Inaasahan na sila ay dapat magiging maingat, marunong, at responsable sa kanilang mga aksyon at desisyon. Ang mga tinedyer na tagasunod ay dapat maging mapamili naman sa kung alin ang kanilang gagayahin o susundin mula sa pamumuno ng kanilang mga lider.
Walang masamang sangguniin ang paggabay ng mga magulang, mga nakatatandang kapatid, o mga guro ukol sa pagpapasya hinggil dito.
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Ang Looking Glass Self: Ang Pananaw ng Tao at Kung Paano Siya Nakikita ng Iba
Ang mga Ugnayan ng mga Pilipino (Pamilya, Paaralan, at Pamayanan)
Paggawa ng Sarbey Tungkol sa mga Ugnayan ng mga Pilipino: Isang Halimbawa
Ang Ating Pananaw At Kung Paano Tayo Nakikita Ng Iba
Ang Uri ng Pagmamahal na Binibigay at Tinatanggap ng Isang Nagbibinata at Nagdadalaga
Ano ang Genogram? Paano ang Paggawa Nito?
Plano Upang ang Bawat Kasapi ng Pamilya ay Maging Matatag at Mahinahon sa Bawat Isa
Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho o Bokasyon
Ang Sariling Personalidad at mga Personal na Salik na may Kinalaman sa Personal na Layunin sa Buhay
To STUDENTS: Write your ASSIGNMENT here: Mga Komento ng MASISIPAG MAG-ARAL