Ang Halaga ng Pamimilosopiya sa Pagkakaroon ng Malawakang pananaw

Mahalagang nahihinuha na mahalaga ang pamimilosopiya upang magkaroon ng malawakang pananaw sa buhay. Ang kahalagahan ng pamimilosopiya sa pagkakaroon ng malawakang pananaw sa buhay ang isa sa mahalagang matutunan sa pag-aaral ng pilosopiya.

Nota: Para sa English discussion ng paksang ito, basahin ang: Realize the Value of Doing Philosophy in Obtaining a Broad Perspective on Life

 

Ang Pilosopiya ay nagpapalawak ng perspektibo

Masasabing ang pilosopiya ay  pag-ibig sa kaalaman, pagtuklas ng katotohanan, at ang pagsusuri sa mga ideya. Sa pamamagitan ng pag-aaral, pagtatalakayan, o kahit ang pag-iisip tungkol sa napakaraming ideya sa mundo, makatutuklas ka ng mga katanungang hindi mo naisip na itanong dati, o mga perspektibong hindi mo naikonsidera sa nakaraan.

Sa pag-aaral ng pilosopiya, makasusumpong ka ng mga teorya o ideya na dati mo nang pinag-iisipan sa iyong sarili, at makababasa ng mga perspektibo at argumento ng ibang tao ukol sa mga paksa na iyo ring pinag-iisipan. Ang pamimilosopiya, kung gayon, ay pagtatamo ng malawak na perspektibo sa buhay.

Ang pilosopiya ay angkop sa iyo bilang mainam na paraan upang tugunan ang iyong kuryusidad lalo na kung ikaw ay mausisa sa mas malaking larawan ng mga bagay at mahilig sa mga katanungang hindi agad nasasagot. Isang paraan upang mapalawak ang iyong perspektibo ay ang pag-aralan ang sari-saring ideya ukol sa malalawak na paksa at malalaking “misteryo.” Iyan ang pamimilosopiya.

Ang aral ng Pilosopong si Socrates

Nakatutulong ang pamimilosopiya sa pagtatamo ng malawak na perspektibo sa buhay sapagkat itinuturo nito sa atin na ating suriin ang ating sariling buhay.

Minsang sinabi ng Griyegong pilosopo na si Socrates na “Ang buhay na hindi nasuri ay hindi karapat-dapat na ibuhay.” Para sa kaniya, mali na basta basta na lamang tinatanggap ang namamayaning kultura tungkol, halimbawa, sa kung ano ang dapat paniwalaan, aling sistemang pulitikal ang dapat tanggapin, sino ang dapat na pakasalan, at paano dapat mamuhay.  

Tayo ay may kakayahang magbulay ukol sa mundo at sa ating mga karanasan upang tunay na makagawa para sa ating sariling buhay, at makalikha ng mga desisyon na tunay para sa ating sarili.

Upang ang buhay ay maging isang “nasuring buhay” (examined life), hindi naman nangangailangang na ang isang tao ay nakapagbasa ng mga klasikong pilosopiya; ni hindi nito hinihingi na ubusin ng isang tao ang kaniyang buhay sa mga intelektuwal na pagsusuri. Sa halip, ang “nasuring buhay” ay nangangahulugan nang pagkakaroon ng masusing pagtingin sa mga pang-araw-araw na karanasan.

Bahagi nito ang pagsusuri at pagtiyak kung ang mga bagay na ating laging ginagawa ay tunay ngang karapat-dapat na maging sentro ng ating buhay.

Sa ganitong paraan, ang pilosopiya ay kasangkapan upang matiyak kung ang iyong buhay ay karapat-dapat ngang ibuhay.

Hindi rin naman nangangailangang na ang nasuring buhay ay maging gaya ng buhay ng isang paham o monghe, na hiwalay sa lipunan. Sa halip, upang ito ay magsilbing gabay sa buhay, ang pagkakaroon ng “nasuring buhay” ay marapat na maging isang praktikal na pagsasanay.

Sinabi ng isa pang Griyegong pilosopo na si Epicurus na ang pilosopiya na hindi nakatutulong sa tao na magkaroon ng isang sumasaganang pamumuhay ay katulad lamang ng isang gamot na hindi nakapagpapagaling sa katawan—walang silbi.

Maaaring ang pilosopiya ay labis na teoretikal, gaya ng sangay nitong metapisika kung saan ang mga praktikal na implikasyon ng mga paksa ay hindi agad nakikita (at isang kahangalan na ang mga ito ay hanapin agad). Ganunpaman, ang mga kaalaman na natatamo sa pamamagitan ng pilosopikong pagmumuni ay dapat pa ring ibahagi sa iba dahil ang mga ito ay maaaring maging mahalagang salik sa pagkakaroon ng maginhawang buhay ng tao.

Ang pag-unawa, halimbawa, sa mga pangyayari sa mas malawak na perspektibo at ang pagiging maingat sa pagpapasya—ilang bagay na matututunan sa pilosopiya—ay makatutulong sa mga tao sa matalinong pagdedesisyon sa buhay. (Copyright © 203-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:

– Nahihinuha na mahalaga ang pamimilosopiya upang magkaroon ng malawakang pananaw sa buhay (Code: PPT11/12PP-Ib-1.3)

Note: Teachers may share this as a reading assignment of their students. For other free lectures like this (especially for students), visit Homepage: Introduction to the Philosophy of the Human Person

*Free lectures on Pambungad sa Pilosopiya ng Tao

Related Articles:

Realize the Value of Doing Philosophy in Obtaining a Broad Perspective on Life

Distinguish a Holistic Perspective from a Partial Point of View (Holism vs Partial Perspective)

The Blind Men and the Elephant: Attaining a Holistic Perspective

Mga Libreng Lektura para sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao:

Ang Pagkakaiba ng Pangkabuuang Pananaw at Pananaw ng mga Bahagi Lamang

Ang Halaga ng Pamimilosopiya sa Pagkakaroon ng Malawakang pananaw