Ang Globalisasyon ng Kultura: Ang Dimensiyong Kultural ng Globalismo

Ang Globalisasyon ng Kultura: Ang dimensiyong kultural ng globalisasyon
© Jensen DG. Mañebog at Marissa G. Eugenio

Tumutukoy ang globalisasyon ng kultura (o pangkulturang globalisasyon) sa pagpapaigting at pagpapalawak ng daloy o palitan ng kultura sa daigdig.

Una, alamin natin ang kultura:

Ang kultura ay isang malawak na konsepto at madalas na ginagamit para ilarawan ang kabuuang karanasan ng tao, kasama na ang pang-ekonomiya at politikal. (Kaugnay: Kultura ng Pilipinas: Ang Pagkakakilanlang Kultural at mga Produkto ng Komunidad)

Ang globalisasyon ng kultura ay tumutukoy sa simbolikong konstruksiyon, artikulasyon, at diseminasyon ng kahulugan. Dahil ang lengguwahe, musika, at mga imahe ay bumubuo sa pangunahing uri ng ekspresyong simboliko, mayroon silang espesyal na halaga sa larangan ng kultura.

Itinuturing na isang aspeto ng globalisasyon ng kultura ay ang daloy ng ilang cuisine o uri ng pagkain gaya ng American fast food chains. Ang dalawa sa pinakamatagumpay na pandaigdigang tindahan ng pagkain at inumin, ang McDonald’s at Starbucks, ay mga Amerikanong kompanya na madalas nababanggit bilang mga halimbawa ng globalisasyon, na may libu-libong lokasyon o sangay sa buong mundo.

Dahil dito, binuo ng Amerikanong sosyolohista na si George Ritzer ang terminong McDonaldization para tumukoy sa mga prinsipyo ng fast food restaurant na dumarating upang dominahin ang lalong maraming sektor ng lipunang Amerikano gayundin ang buong mundo.

Ang pangkulturang globalisasyon ay ipinalalagay ng iba na tumutukoy sa mga kaisipang ang mundo ay nagiging unipromado sa pamamagitan ng teknolohikal, komersiyal, at pangkulturang pagkakapare-pareho dahil sa impluwensiya na mula sa Kanluran. Parami nang paraming sosyolohista naman ang tumututol sa palagay na ito.

Kasama sa mga paksa sa ilalim ng dimensiyong kultural ng globalisasyon (a) ang pagkakaroon ng isang pandaigdigang kultura (o kawalan nito), (b) ang papel ng media sa pagbuo ng ating mga hangarin at identidad, at (c) ang globalisasyon ng mga lengguwahe o wika.

Ang pagkakaroon ng pandaigdigang kultura (o kawalan nito) ay tumutukoy sa tensiyon sa pagitan ng pagkakapareho at pagkakaiba sa papausbong na kulturang pandaigdig.

Mayroong pagtatalo kung mayroong tumataas na pagkakatulad (homogeneity), kung saan tila lumiliit ang mundo at nagiging laolong magkakatulad ang mga tao; o lumalaki ang mga pagkakaiba (heterogeneity), kung saan nagkakawatak-watak ng mundo at lalong nabibigyang-diin ang ating mga pagkakaiba.

Ipinapalagay ng iba na ang globalisasyon ay lalong bumubuhay sa mga kultura sa isang lokalidad sa halip na sirain ito, kung kaya lalong napaiigting ang mga pagkakaiba sa kultura.

Itinuturing ng mga pessimistic hyperglobalizers na ang globalisasyon ay nagdudulot ng pag-igting ng homogenized popular culture na sa pangkalahatan ay nakabatay sa kulturang Kanluranin. Para sa kanila, ang globalisasyon sa kultura ay mas akmang tingnan bilang “pangkulturang imperyalismo” na patungo sa “Amerikanisasyon” ng daigdig.

Ang pagkakaiba-iba ng mga eksistidong mga kultura ay sinasabing nawawala habang ang mundo ay nagiging homogenized o “Americanized” sa kabila ng pagtutol ng mga bansa.

Sa panig naman ng optimistic hyperglobalizer, sang-ayon sila na may paglago ng pagkakatulad sa pangkulturang globalisasyon, subalit naniniwala sila na magkakaroon ito ng mabuting resulta. Halimbawa, ang iba sa kanila ay umaasa na ang Amerikanisasyon ng daigdig ay patungo sa paglaganap ng demokrasya at malayang pamilihan.

May binabanggit naman si Roland Roberston (sosyolohista at teorista ng globalisasyon) na “cultural hybridity” bilang resulta ng “glocalization” kung saan mayroong inter-aksiyon sa pagitan ng lokal at pandaigdigang ugaling pangkultura (cultural trait).

Ang cultural hybridization ay tumutukoy sa paghahalo ng mga kultura bilang resulta ng globalisasyon, at ang resultang pagkakalikha ng bago at kakaibang mestisong (hybrid) kultura na hindi masasabing lokal o pandaigdigang kultura. Ang glocalization ay tumutukoy sa pagpasok ng mga lokal at mga pandaigdigang kultura na nagreresulta sa natatanging kultura sa ibat-ibang lugar pangheograpiya sa buong mundo.

May mahalagang papel din ang mga transnational media corporations sa pagpapalaganap ng kulturang popular at paghubog ng ating mga hangarin at identidad. Ang makapangyarihang media ang nangangasiwa ng globalisasyon ng kultura.

Sa kasalukuyan, ang media ay isang napakalaking komersyal na merkado na maihahambing sa pandaigdigang oligopolyo ng langis. Ang mga global media network ay pagmamay-ari ng maliliit na grupo ng mga korporasyong transnasyonal, na sinasabing nakaaapekto sa integridad ng pamamahayag.

Dahil sa ating umuunlad na mobile digital device at Internet, ang mga pangunahing simbolikong sistema ng kahulugan sa ating panahon—tulad ng indibidwalismo (nagbibigay-diin sa pagsasarili at sariling pagsisikap at kalayaan), consumerism (humihikayat sa papataas na pagkonsumo ng mga produkto at serbisyo), at ilang diskursong panrelihiyon—ay mas madali at maayos na naipalalaganap, at nagkakaroon ng matinding epekto sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa tulong ng media at makabagong teknolohiya, ang mga pangkulturang gawain ay hindi na masabing eksklusibo lamang sa isang tiyak na bayan o bansa sapagkat ito ay naipapakalat at ginagawa na sa ibat-ibang dako. Sa pakikisalamuha sa nananaig na mga pandaigdigang tema, ang mga gawaing kultural ay nagkakaroon din ng mga bago at ibat-ibang kahulugan.

Halimbawa, ang pag-inom ng tsaa (tea) ay maaaring may malalim na kahulugan at kasaysayan sa isang bansa subalit ito ay ginagawa sa ibang mga bansa para sa ibang layunin at dahilan, gaya ng bilang libangan lamang o para sa kalusugan.

Ang isa pang mahalagang aspeto ng globalisasyong pangkultura ay ang pagbabago sa mga dibuho ng lennguwahe sa buong mundo. Sa globalisasyon ng lengguwahe, ang ibang lengguwahe ay ginagamit sa pandaigdigang pakikipagtalastasan samantalang ang iba ay isinasantabi at minsan ay tuluyang nawawala … ituloy ang pagbasa

Copyright by © Jensen DG. Mañebog at Marissa G. Eugenio

For STUDENTS’ ASSIGNMENT:
Write your COMMENT here:
Ang Kahalagahan ng Pag-Aaral Ng Kontemporaryong Isyu

Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog

KAUGNAY NA LEKTURA (mahahanap sa search engine ng MyInfoBasket.com):
Mga Ugnayang Nabuo Dahil sa Sistemang Lipunan

Read: THE EFFECTS OF GLOBALIZATION ON STATES AND GOVERNMENTS

====
To STUDENTS:
Write your ASSIGNMENT here: Comments of RATIONAL STUDENTS or here: Mga Komento ng MASISIPAG MAG-ARAL