Ang Dios ba ay diktador?

May mga nagpapahayag na ang Dios na inilalarawan sa Biblia ay isang diktador. Kung ang ibig sabihin sa pahayag na “Ang Dios ay diktador” ay hindi Siya nagbibigay ng kalayaan sa tao, ito ay maling-mali sa Biblia. Sa Deuteronomio 30:15, 19 ay ganito ang sabi ng Panginoon Dios mismo:

”Tingnan mo, na inilagay ko sa harap mo sa araw na ito ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan …Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa;…

Ang Dios, kung ganun, ay hindi namimilit bagkus ay nagbibigay sa tao ng kalayaang mamili. Ang tao kung gayon ay malayang mag-isip ng gusto niyang isipin (free thought and opinion), at ang mga tao ay may kalayaan rin na tumalakay ng gusto nilang pag-usapan, kahit na pa ang gusto nilang pag-usapan ay tungkol sa Dios (discussion about God).

Lamang, dapat nating maunawaan na ang paggamit natin ng kalayaan ay may kahihinatnan (consequence), na kapag ginamit natin ito sa paggawa ng mabuti ay makabubuti ito sa atin, samantalang kapag sa masama natin ito ginugol, ito ay makasasama sa atin (Juan 5:28-29).

Kaya naman ganito ang bilin ng Biblia sa atin: ”Kayo’y malaya, subalit ang kalayaa’y huwag ninyong gagawing dahilan sa paggawa ng masama kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. (I Pedro 2:16, MB)

Bilang halimbawa, tayo ay may kalayaang pag-usapan ang Dios. Walang masama halimbawa na tayo ay magsagawa ng Bible Study na ang pag-aaralan natin ay ang likas na kalagayan ng Dios o ang kanyang kalooban. Subalit kung ang gagawin natin na discussion about God ay yaung uring nababastos na ang Panginoon, ito ay ituturing na kasalanan sa atin:

”Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.” (Exo. 20:7)

Ang Dios ay hindi dictator. Kung Siya man ay nag-uutos, hindi ito para pahirapan ang mga tao kundi upang ito ay makabuti sa kanila:

“Na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at tuparin mo ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, upang ikaw ay mabuhay at dumami, at upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.” (Deut. 30:16)

Basahin din:
Does Christianity Resemble Domestic Abuse?
The Worldview of Atheism
Marxism: Is it Sound?
Why I Am Not an Evolutionist