Nasusuri ang Dahilan, Dimensyon at Epekto Ng Globalisasyon
Mahalaga na nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon. Isa ito sa mga paksang tinatalakay sa araling Mga Kontemporaryong Isyu.
Ang pagsusuri sa dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon ay isang bago, subalit mahalagang paksa o isyu ng talakayan.
Ang dahilan, dimensyon at epekto ng globalisasyon
Bilang nabubuhay sa kasalukuyang panahon na dominado ng globalisasyon, dapat na makaagapay tayo sa mga hamon at epekto ng prosesong ito.
Narito ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon ayon sa lektura at pagtalakay ng propesor at book author na si Prof. Jensen DG. Mañebog:
Ang dahilan ng globalisasyon
Ang primaryang dahilan ng globalisasyon ay ang pagpapalitan ng mga pananaw, produkto, ideya, at iba pang mga aspeto ng kultura ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa.
Isa sa mga pangunahing dahilan o salik sa globalisasyon ang paglago ng teknolohiya, partikular ang pagkakaroon ng mga makabagong kasangkapang pantransportasyon (gaya ng eroplano) at pangkomunikasyon (gaya ng smart phones at Internet).
Sa paggamit sa mga ito, nagkakaroon ng mabilis at madaling pagpapalitan at pagtutulungan (interdependence) sa mga gawaing pangkultura, panteknolohiya, at pang-ekonomiya. (Basahin: Ang Pagkakakilanlang Kultural ng Komunidad)
Dahilan din ng paglaganap ng globalisasyon ang bumabang gastos (reduced cost) sa paglikha ng mga transaksiyon o palitan (exchange), pati na rin ang pinabilis na pagkilos ng kapital (increased mobility of capital) (Kaugnay: Ano ang Migrasyon?)
Maituturing din na dahilan ng globalisasyon Ang Mga Pangunahing Institusyon Na May Bahaging Ginagampanan Sa Globalisasyon.
Ukol sa iba’t ibang aspeto ng pinagmulan ng globalisasyon, basahin: Ang Mga Pangunahing Institusyon Na May Bahaging Ginagampanan Sa Globalisasyon
Mga Dimensyon ng globalisasyon
Pang-ekonomiyang Dimensyon ng Globalisasyon
Ang globalisasyong pang-ekonomiya o pang-ekonomiyang dimensyon ng globalisasyon ay tumutukoy sa pagpapaigting, pagdaragdag, at pagpapalawak ng mga ekonomikong ugnayan sa buong mundo. Ang pagnanasa para sa kapayapaan at seguridad sa kabuhayan ang nagtulak sa paglikha ng pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya.
Nagbigay daan sa globalisadong ekonomiya sa daigdig ang malayang daloy ng kalakal, teknolohiya, kapital at mga kasanayan. Mula pa sa panahon ng Silk Road hanggang sa paglikha ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) at pagsilang ng World Trade Organization (WTO), gumaganap na ang kalakalan ng mahalagang papel sa pagsuporta sa kaunlarang pang-ekonomiya at pagtaguyod ng mapayapang relasyon sa mga bansa.
Ang globalisasyon sa ekonomiya ay sanhi ng paglitaw ng malalaking korporasyong transnasyunal, mga makapangyarihang internasyunal na ekonomikong institusiyon, at malalaking sistemang pangkalakalan sa mga rehiyon sa mundo.
Pampulitikang Dimensyon ng Globalisasyon
Ang globalisasyong pampulitika ay ang pagpapalakas at pagpapalawak ng mga ugnayang pampulitika sa buong mundo.
Nakapaloob sa dimensyong pampulitika ng globalisasyon ang mga aspeto tulad ng modernong sistema ng nation-state at ang mahalagang papel nito sa mundo ngayon, mga epekto ng globalisasyon sa soberanya ng estado, at ang papel ng pandaigdigang pamamahala.
Kasama rin sa Pampulitikang Dimensyon ng Globalisasyon ang lumalaking epekto ng mga intergovernmental na organisasyon, direksyon ng pandaigdigang sistemang pampulitika, pandaigdigang daloy ng migrasyon, at mga patakarang pangkapaligiran.
Nakaugnay ang pampulitikang pinagmulan ng globalisasyon sa kasaysayan ng United Nations. Dahil sa natatanging internasyunal na kalikasan nito at sa mga kapangyarihang ipinagkaloob sa Charter nito, ang samahan ay makakagawa ng aksyon sa maraming mahahalagang isyu, at makapagbibigay ng kaparaanan para sa member states nito.
Sosyo-Kultural na Dimensyon ng Globalisasyon
Ang Sosyo-Kultural na Dimensyon ng Globalisasyon o ang pangkulturang globalisasyon ay ang pagpapalakas at pagpapalawak ng mga daloy ng kultura sa buong mundo.
Halimbawa ng Sosyo-Kultural na Dimensyon ng Globalisasyon ang paglaganap ng ilang mga cuisine tulad ng mga fast food ng Amerika. Ang dalawang pinakamatagumpay na pangdaigdaigang fast food outlet, ang McDonald’s at Starbucks, ay mga kumpanyang Amerikano na may libu-libong sangay sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang pangkulturang globalisasyon ay nagaganap sa kasalukuyan sa pamamagitan ng mass media, social media, at iba pang mga aplikasyon ng computer and internet technology, at maging sa anyo ng mga streaming platform kung saan napapanuod ang kultura ng iba’t ibang bansa.
Gamit ang mga ito, napakadali para sa isang Pilipino, halimbawa, na malaman at maisabuhay ang kultura o paniniwala ng mga tao sa Korea o Amerika. (Basahin ang mas malawak na pagtalakay: Ang Globalisasyon ng Kultura: Ang Dimensiyong Kultural ng Globalismo)
Ang ekolohikal na dimensiyon ng globalisasyon
Narito ang bahagi ng paliwanag ni Prof. Jensen DG. Mañebog ukol sa ekolohikal na dimensiyon ng globalisasyon:
“Nakatuon ang ang ekolohikal na dimensiyon ng globalisasyon sa mga epekto ng mga pandaigdigang unyon sa mga isyung pangkapaligiran. Kinikilala ng dimensiyong ito na mayroong hindi maiiwasang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng ating planeta o ng mundo.’
“Tumutukoy ang ekolohikal na globalisasyon sa mga pandaigdigang isyung pangkapaligiran na kinabibilangan ng paglaki ng populasyon, akses sa pagkain, pagbaba ng pandaigdigang biodiversity, pagbabago ng klima na dulot ng tao, at pagkasira ng pandaigdigang kapaligiran.’
“Isang katotohanan na nakakaapekto ang globalisasyon sa ekolohiya. Halimbawa, dahil sa pagtaas ng antas ng globalisasyon, hindi sinasadyang naipakilala o nadala ng mga tao ang ilang uri ng mga hayop, halaman, at maging mga sakit sa ibang lokalidad.’
“Sinasabi rin na ang proseso ng globalisasyon ay nagpapataas sa hindi mapigilang paglaki ng populasyon, labis na padron ng pagkonsumo sa mayayamang bansa, kakulangan sa pagkain, pagbaba ng biodiversity, global warming, at pagbabago ng klima.” … ituloy ang pagbasa
Para sa epekto ng globalisasyon, basahin ang: Ang Mga Epekto ng Globalisasyon
*Hanapin ang iba pang paksa o iyong assignment (Filipino o English) dito:
Copyright © by Marissa E. Eugenio & Jensen DG. Mañebog/MyInfoBasket.com
Para sa mga Guro: Maaari itong i-share bilang reading assignment ng mga mag-aaral.
Para sa mga makabuluhang free lectures gaya nito, sangguniin ang: Homepage: Mga Kontemporaryong Isyu
Basahin: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. Mañebog
Mga libreng lektura para sa mga MELC:
MELC 1: Nasusuri ang kahalagahan ng pag-aaral ng Kontemporaryong Isyu
MELC 2: Natatalakay ang Kalagayan, Suliranin at Pagtugon sa Isyung Pangkapaligiran ng Pilipinas
MELC 5: Naisasagawa ang mga angkop na hakbang ng CBDRRM Plan
MELC 6: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon
Alamin: The Interesting Tales of the Jose Rizal Family by Jensen DG. Mañebog