Ang ating mga pagpili ay humuhubog sa ating moral na pagkatao
© by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ang pagpili, na bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay, ay mabagal at unti-unting humuhugis ng ating moral na pagkatao. Nasa reyalidad ng pang-araw-araw na pagpili natin—pagsira o pagrespeto sa kasunduan, pagbasag o pagtupad sa ipinangako, pagtulong sa nangangailangan o kawalan ng pakialam, pagsangkot o pagsaway sa pandaraya, pagpipigil ng sarili o paggawa ng bawat magustuhan, pagsubok o pagtanggi sa droga, at pagsunod sa magulang o sa masamang barkada—ang siyang humuhubog sa ating moralidad at personalidad. Ang nabuo mong pagkatao ang kinahitnan ng iyong mga naging pagpili.
Malaki ang epekto ng mga gawang ukol sa moral ng isang indibidwal sa konteksto ng kaniyang pamilya. Halimbawa, ang pinsalang idinudulot ng isang lasenggo, bayolente, at iresponsableng asawa at ama sa kaniyang asawa at mga anak ay may malawak na resulta. Nagbubunga ito ng psycho-emotional at espiritwal na kahihinatnan na maaaring magdulot ng panghabambuhay na perwisyo sa asawa at mga anak.
Ang mga anak na nasaktan (pisikal at emosyonal) ay nangangailangan ng malalim at matinding pagpapagaling upang ang pinsalang idinulot sa kanila ay hindi nila gawin sa kanilang magiging asawa at mga anak. Malibang putulin ang inog ng pagkakasala at karahasan, mauulit lamang ito sa kasunod na henerasyon at sa mga susunod pa.
Aplikable rin ito para sa mga tila maliliit na gawa gaya ng pandaraya sa pagsusulit. Kung ito ay pababayaan at pahihintulutan bilang katanggap-tanggap at ituturing pang matapang o magiting ang mga gumagawa nito, mababaligtad ang mga pagpapahalaga at ang batayang moral ng lipunan ay mapahihina. Ang pandarayang ginawa ng mga estudyante na pinalampas ay nagtuturo sa kanila ng pandaraya na maaari nilang gawin bilang mga tiwaling pampublikong opisyal sa hinaharap.
Marapat ding bulayin ang mga natatanaw na epekto ng marijuana. Ang madaliang kahihinatnan nito ay mukhang hindi mapanganib, isang banayad na pagkalango at walang hangover. Pero paano ang posibleng pangmatagalan na kahihinatnan na depormasyong pisikal at pagkasira ng utak?
Ang ukol sa aborsiyon ay dapat ding pag-aralan sa aspeto ng kahihinatnang panlipunan sa pangmatagalang panahon. Bagaman ito ay tila pangmadaliang solusyon sa isang problema ng isang partikular ng indibidwal, ang aborsiyon sa malawak na panlipunang pananaw ay kawalang-galang sa banal na buhay ng tao.
Ang gawi gaya ng shoplifting ay isang kaso kung saan ang pangmatagalang kahihinatnan ay malawak. Karaniwan, ang inuumit ng tao ay may maliit na halaga lamang na hindi naman maglalagay sa tindahan sa pagsasara. Pero para mapunan ang naging kalugihan, tataasan ng tindahan ang presyo ng mga tinda. Sa katagalan, lahat ay magdurusa bilang bunga ng maliliit na krimen ng iba, lalo na sa panig ng mga dati nang nagdurusa, ang mahihirap na hindi kaya ang mataas na presyo ng bilihin.
Dapat matandaan na ang hindi pagtupad sa pangako ay lilikha ng mapaminsalang epekto sa relasyong panlipunan, at ito’y magsasapanganib sa pagtitiwala sa pagitan ng mga tao na bumubuo sa mga ugnayan. Gaya ng sinabi ni Jon Snow ng Game of Thrones (Season 7, Episode 7): “Hindi ako manunumpa nang hindi ko matutupad … Kapag ang sapat na dami ng tao ay nagbigay ng huwad na pangako, nawawalan ng kahulugan ang mga salita. Kung gayon ay mawawalan na ng kasagutan, kundi puro papahusay ng papahusay na mga kasinungalingan na lamang.”
Itinuturo ng pilosopiya, kung gayon, na dapat na limiing mabuti ang mga kahihinatnan baga isagawa ang pamimimili o pagpapasya. (© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 5.4 Nakapaglalahad ng mga sitwasyon kung saan naipakikita ang pagpili at kahihinatnan ng mga ito. (PPT11/12BT-IIc-5.4)
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage
Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog