10 Interesanteng Impormasyon ukol sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig

10 Interesanteng Impormasyon ukol sa Ikalawang Digmaang Pansanlibutan
© 2014 by Jensen DG. Mañebog & Jens Micah De Guzman

Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II o WWII) ay pandaigdigang labanán na nagsimula noong Setyembre 1, 1939 at nagwakas noong Setyembre 2, 1945. Ito ay kilala bilang pinakamalawak, pinakamagastos, at pinakamadugong digmaan sa kasaysayan ng mundo.

Nagpasimulang lumusob ang hukbong German sa kanluran, hilaga, at timog ng Poland noong Setyembre 1, 1939. Ito ay taliwas sa naging kasunduan pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig na ang Germany ay hindi magpapalakas ng puwersa at hindi mananakop o makikipagdigma. 

Aktibo sa digmaan ang hukbong Nazi ng Germany mula 1939 hanggang 1940 at halos nakontrol nito ang maraming bansa sa Europa. 

Nasangkot ang Asya sa digmaan nang bombahin ng Japan ang Pearl Harbor, base-militar ng United States sa Hawaii, nang umaga ng Disyembre 7, 1941. 

Muling nahati ang mundo sa dalawang panig o alyansa—ang Axis Powers kung saan nabibilang ang Germany, Italy, at Japan; at ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, France, at United States of America. Tinatayang 60 milyong tao ang kabuuang nasawi nang matapos ng digmaan.

Narito ang ilang interesanteng impormasyon ukol sa Ikalawang Digmaang Pansanlibutan:

1. Ang Allied bombers ay nagpabagsak ng 3.4 milyong tonelada ng bomba sa pagitan ng 1939 at 1945. Ito ay humigit kumulang 27,700 tonelada ng bomba bawat buwan.

2. Ang panganay na anak na babae ni Haring George VI ng Gran Britanya, si Elizabeth, ay nagsilbi bilang drayber at mekaniko sa panahon ng digmaan. Siya ay walang iba kundi ang naging Reyna Elizabeth II.

3. Ang Red (Soviet) Army ay sinasabing nanghalay ng dalawang milyong babaeng Aleman, mula edad labingtatlo hanggang pitumpu.

4. Pinabinitay ni Hitler ang walumput apat sa kaniyang mga heneral, pangunahin ay dahil sa pagkakasangkot sa mga sabwatan laban sa kaniya.

Nawalan ng 136 na heneral si Hitler sa panahon ng digmaan, humigit kumulang isa tuwing dalawang linggo. Ang submarino ng Alemanna U-120 ay lumubog nang di gumana nang maayos ang palikuran nito.

5. Sa digmaan sa Pilipinas (1945), ang sundalong Amerikano na si John R. McKinney ay nakipaglaban nang nag-iisa sa isandaang sundalong Hapon.

6. Ang pinakabatang naglingkod sa Sandatahang Lakas ng Amerika ay labindalawang taong gulang. Siya ay si Calvin Graham.

Nasugatan siya sa sagupaan at binigyan ng Dishonorable Discharge dahil sa pandaraya sa Hukbong Dagat tungkol sa kaniyang edad. Pagkatapos, isang Act of Congress ang nagpanumbalik sa mga benepisyong nararapat sa kaniya bilang isang beterano.

7. Sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga sundalong Briton ay nakakuha ng rasyon ng tatlong piraso ng toilet paper kada araw. Dalawampu’t dalawang piraso naman ang arawang rasyon ng mga Amerikano.

8. Dalawampung porsiyento lamang ng mga lalaking ipinanganak sa Soviet Union noong 1923 ang nakaligtas sa digmaan. Ang pagkubkob sa Stalingrad ay nagbunga ng mas maraming pagkamatay ng mga Ruso (militar at sibilyan) kaysa sa mga Amerikano at Briton na nasawi (pinagsama) sa buong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

9. Ang pamangkin ni Adolf Hitler, si William Hitler, ay naglingkod sa Hukbong Dagat ng Amerika noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

10. Si Hiroo Onoda, isang intelligence officer ng Imperial Japanese Army na nakipaglaban sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay hindi sumuko noong 1945. Hanggang 1974, sa loob ng halos tatlumpung taon, hinawakan niya ang kaniyang posisyon habang nagtatago sa isang pamayanan sa Pilipinas.

Ang dati niyang kumander ay naglakbay pa mula sa Japan papunta sa kaniyang kinarorooanan upang personal na magpalabas ng utos na nagpapalaya sa kaniya mula sa katungkulan noong 1974.
Copyright © 2014 by Jensen DG. Mañebog & Jens Micah De Guzman

Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog

TALAKAYAN:

Sino ang dapat sisihin sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Paano sana naiwasan ito.

Gumamit ng #WWII #MyInfoBasket.com

SA MGA MAG-AARAL: Maaaring ilagay ang inyong assignment/comment dito sa comment section ng Ang Epekto ng Digmaan at Migrasyon sa Aspektong Panlipunan, Pampulitika, at Pangkabuhayan

IMPORTANT:
TO STUDENTS (and their friends/relatives): For your comments NOT to be DELETED by the system, pls SUBSCRIBE first (if you have not subscribed yet). Thanks.